Hiniling ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) sa Trial Chamber III na ibasura ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng paghamon sa ilang ebidensiyang gagamitin sa kaniyang paglilitis.
Sa pampublikong dokumentong inilabas nitong Nobyembre 20, iginiit ng prosekusyon na hindi naaayon sa mga tuntunin at proseso ng korte ang naturang kahilingan ng depensa.
Ayon sa mga tagausig, dapat ihain ng kampo ni Duterte ang anumang pagtutol sa pagiging katanggap-tanggap ng ebidensiya sa oras na pormal itong isumite sa korte, alinsunod sa Rule 64(1) ng Rules of Procedure and Evidence.
Hiniling din ng prosekusyon na itama ang umano’y maling pahayag ng depensa kaugnay ng ilang testimonya na bahagi ng paglilitis.
Matatandaang hiniling ng kampo ni Duterte na huwag tanggapin ng ICC ang naunang naitalang testimonya ng isang dating pulis ng Davao City.
Kinuwestiyon ni Peter Haynes, abogado ni Duterte, ang paggamit sa naturang testimonya bilang ebidensiya. Aniya, kailangang mapatunayan munang hindi na kayang humarap nang personal ng testigo bago tanggapin ang nauna nitong pahayag.
Samantala, nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Gaganapin ang pagdinig alas-10 ng umaga sa The Hague, Netherlands, o alas-5 ng hapon sa Pilipinas. Sa unang araw, tatanungin si Duterte kung aamin o itatanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.








