Nanawagan ng mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng barangay at lokal na pamahalaan ang punong barangay ng Mabini, Santiago City kaugnay sa patuloy na isyu ng koleksyon ng basura, partikular mula sa mga establisyemento sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Punong Barangay Sara Jane Santos na bagamat regular na nagbabayad ang mga establisyemento para sa waste collection service, nananatili pa rin ang problema sa maayos na pagkuha ng basura.
Ayon kay Santos, saklaw ng lokal na pamahalaan ang koleksyon ng basura mula sa mga negosyo, habang ang barangay naman ay nakatuon sa residential areas at mga kalye. Gayunpaman, nagkakaroon pa rin ng aberya sa sistema.
Isa sa mga binanggit niyang problema ay ang mga pagkakataong dumaraan ang garbage collectors sa kanilang lugar kahit puno na ang kanilang truck, na nagreresulta sa hindi maayos at hindi kumpletong serbisyo.
Dahil dito, iginiit ng punong barangay ang pangangailangan ng malinaw na koordinasyon at mas mahigpit na implementasyon ng waste management system. Aniya, hindi dapat manatili lamang sa plano o dokumento ang mga programa kundi dapat itong maisakatuparan nang maayos.
Patuloy naman ang kanilang pag-asa na sa pamamagitan ng mas maayos na ugnayan ng barangay at lokal na pamahalaan ay mapapanatili ang kalinisan sa bawat komunidad.











