--Ads--

Hindi bababa sa 13 katao ang nasawi at 17 iba pa ang nasugatan sa isang malakas na pagsabog sa kanlurang bahagi ng Colombia nitong Sabado.

Naganap ang pag-atake sa Pan-American Highway sa El Tunel area ng Cajibio, mga 35 kilometro mula sa Popayan, kabisera ng lalawigan ng Cauca.

Sinabi ni Cauca Governor Octavio Guzman na ang insidente ay bahagi ng sunod-sunod na karahasang naganap sa lalawigan sa parehong araw. Aniya, hindi na kayang harapin ng Cauca ang ganitong uri ng “barbaridad” nang mag-isa at nanawagan siya ng agarang aksyon mula sa pambansang pamahalaan upang tugunan ang lumalalang krisis sa seguridad.

Samantala, tinawag ni Paloma Valencia ang insidente bilang isang malinaw na terorismo at pinuna ang administrasyon ni Gustavo Petro. Giit niya, kinakailangan ang mas matibay na suporta para sa sandatahang lakas at pulisya upang masugpo ang karahasan.

--Ads--

Si Petro, na malapit nang matapos ang kanyang termino, ay nagsusulong ng “total peace” policy sa pamamagitan ng negosasyon at pansamantalang tigil-putukan sa mga armadong grupo. Gayunpaman, patuloy pa rin ang mga ganitong uri ng pag-atake sa ilang bahagi ng bansa, lalo na sa Cauca.