Ipinunto ng isang eksperto sa batas na kailangan ng amyenda sa Anti-Terrorism Act upang maisama ang mga drug organization sa mga grupong maaaring ituring na terorista, kasunod ng panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ikonsidera ang ganitong hakbang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional law expert, sinabi niyang bagama’t nauunawaan ang sentimyento ng DILG, nasa Kongreso ang kapangyarihang amyendahan ang batas dahil hindi tahasang tinutukoy dito ang mga drug organization bilang terrorist organizations.
Ayon kay Cayosa, kapwa malaking problema sa lipunan ang ilegal na droga at terorismo, kaya maaaring pag-aralan ang panukala upang mapabilis ang aksiyon ng pamahalaan laban sa mga sindikato ng droga.
Ipinaliwanag niyang kapag naitalaga ang isang grupo bilang terorista alinsunod sa batas, maaaring ipatupad ang ilang hakbang, kabilang ang pag-freeze o pagsamsam sa mga asset nito, na makatutulong upang mapigilan ang operasyon ng mga naturang grupo.
Gayunman, binigyang-diin niyang kailangang malinaw na tukuyin sa batas kung anong mga drug organization ang maaaring mapasailalim sa naturang klasipikasyon, batay sa lawak at uri ng kanilang operasyon.
Dagdag pa niya, mahalagang magtakda ng sapat na safeguards upang maiwasan ang pang-aabuso at matiyak na naaayon sa batas ang anumang hakbang ng pamahalaan.











