Kumpirmado ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) na naipadala na sa Interpol Secretariat ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa pag-isyu ng red notice laban sa puganteng dating mambabatas na si Zaldy Co.
Sa isang press briefing sa Prague, Czech Republic, sinabi ni Major General Romeo Prestoza, executive director ng PCTC, na naisumite na ng pamahalaan ang “voluminous documents” na magpapatibay sa kahilingan.
Ipinahayag ito kasabay ng anunsyo ni Justice Secretary Fredderick Vida na wala na si Co sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic.
Ayon kay Vida, mula pa noong Nobyembre ay nagsusumite na ang pamahalaan ng aplikasyon para sa red notice.
Dagdag pa ni Vida, magsisimula na rin ang pormal na negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic para sa tatlong kasunduang pangbatas: mutual legal assistance treaty, extradition treaty, at transfer of sentenced persons agreement.
Ang Interpol red notice ay isang kahilingan sa mga kasaping bansa upang hanapin at arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o katulad na legal na proseso. Hindi ito itinuturing na internasyonal na arrest warrant.
Matatandaang noong Abril 16, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadetine si Co sa Prague matapos makapasok sa Czech Republic nang walang tamang dokumento, matapos magtago mula pa noong kalagitnaan ng 2025.










