Kinuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta ang mga tinatawag na pass-through charges na ipinapasa ng Meralco sa mga konsyumer sa isinagawang ikaapat na pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee nitong Miyerkules.
Ayon kay Marcoleta, kabilang sa mga singil na ito ang local franchise tax, universal charge, system loss, at lifeline rates. Iginiit ng senador na dapat umanong alisin ang ilang bayarin, partikular ang local franchise tax, na aniya’y ipinapasa pa rin ng kumpanya sa mga konsyumer.
Paliwanag naman ng Meralco, matagal nang nakapaloob sa electric bills ang naturang mga singil at hindi na ito bago sa mga konsyumer.
Ayon pa sa talakayan, inaasahan ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) na mapababa ang singil sa kuryente, ngunit iginiit ni Marcoleta na hindi umano ito ganap na natupad.
Sinabi naman ni Francis Saturnino Juan, chairperson at CEO ng Energy Regulatory Commission (ERC), na maaaring pag-aralan ng Kongreso ang mga isyung ito upang marebisa ang mga polisiya sa ilalim ng EPIRA, kabilang ang lifeline rate bilang eksepsiyon sa prinsipyo ng cross-subsidy.
Samantala, iminungkahi rin ni Marcoleta ang pagtanggal ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente upang makatulong sa mga konsyumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Tinanong din niya ang ERC kung tutol ito sa naturang panukala.
Bukod dito, isinusulong din ng senador ang isang panukalang batas na magbibigay ng exemption sa bayad sa kuryente para sa mga kabahayan na kumokonsumo ng hanggang 200 kilowatt-hours o mas mababa.
Ayon kay Marcoleta, tinatayang aabot sa 5.5 milyong mahihirap na pamilya sa bansa ang maaaring makinabang sa naturang panukala.








