--Ads--

Binawi ng dating sundalong si Orly Guteza ang kanyang mga naunang pahayag na nag-deliver umano siya ng malaking halaga ng pera sa tahanan ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Guteza na sina Senador Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor umano ang nag-udyok sa kanya na humarap bilang testigo sa Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, 2025 kaugnay ng flood control scandal.

Ayon kay Guteza, pinilit umano siyang sabihin na may mga maleta ng pera mula sa Department of Public Works and Highways na inihahatid sa bahay ni Romualdez, kahit wala naman siyang direktang nakita sa sinasabing delivery. Kapalit nito, nangako umano ang dalawang politiko ng tulong pinansyal at scholarship para sa kanyang mga anak.

Sinabi rin ni Guteza na tumulong umano si Marcoleta sa pag-aayos ng affidavit bago ito ipanotaryo. Dahil sa mga pangako at pangamba, napilitan umano siyang sumunod at humarap sa Senado.

--Ads--

Gayunman, matapos ang pagdinig ay hindi na umano siya nakontak ng dalawang politiko kaya napagtanto niyang ginamit lamang siya. Nilinaw ni Guteza na wala siyang naging direktang kontak o nakita man lang si Romualdez at hindi totoo ang kanyang mga naunang pahayag sa Senado.