--Ads--

Sumumpa bilang bagong miyembro ng PDP–Laban si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga nitong Miyerkules, Abril 29, 2026, ayon sa magkahiwalay na social media posts ng partido at ng kongresista.

Si Barzaga ay dating miyembro ng National Unity Party  at naging miyembro ng PDP–Laban matapos niyang makumpleto ang Basic Membership Seminar ng partido, na pinamumunuan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, kasabay ng kanyang paglipat ng partido ay ang patuloy na kinakaharap niyang isyu sa Kamara. Ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin, maaari umanong maharap si Barzaga sa posibleng pagpapatalsik sa Kamara dahil sa paulit-ulit na paglabag sa tamang asal at hindi pagtupad sa tungkulin bilang mambabatas.

Nahaharap din ang kongresista sa iba’t ibang reklamo sa House ethics panel. Una siyang sinuspinde ng 60 araw noong Disyembre ng nakaraang taon, walang sahod at allowances, dahil sa umano’y hindi angkop na social media posts na itinuring na “disorderly behavior.”

--Ads--

Noong Pebrero 2026, muli siyang sinuspinde ng panibagong 60 araw dahil sa tinawag na “utter contempt for institutional standards.”

Giit ni Barzaga, ang mga parusa laban sa kanya ay isa umanong paraan upang ilihis ang atensyon mula sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects at sa isyu ng korapsyon sa pamahalaan.

Wala rin umano siyang pinagsisisihan sa kanyang mga naging pahayag at kilos.