--Ads--

Nakatakdang isagawa sa darating na Mayo 13 ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Cauayan City Medical Center matapos aprubahan ang mahigit P100 milyong pondo para sa proyekto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi nito na naisakatuparan na ang memorandum of agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Department of Health (DOH) bilang malaking hakbang upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod. Hinihintay na lamang aniya ang pag-download ng nasabing pondo upang tuluyang masimulan ang konstruksyon ng pasilidad.

Ayon sa alkalde, itatayo ang nasabing ospital sa Barangay Tagaran, partikular sa bahagi malapit sa Tribute for City Veterans at skate park, kung saan may nakalaang lugar para sa proyekto. Layunin nitong maging karagdagang sentrong medikal lalo na’t itinuturing ang lungsod bilang isa sa mga pangunahing sentro sa Rehiyon Dos.

Inamin ng alkalde na isa sa magiging hamon kapag operational na ang ospital ay ang pagkuha ng sapat na healthcare workers at iba pang tauhan. Gayunman, iginiit nito na mahalagang masimulan ang proyekto at saka na lamang tutugunan ang mga susunod na pangangailangan.

--Ads--

Patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensya at partners para sa procurement ng mga kagamitan at paglalagay ng mga espesyalista sa pasilidad sa hinaharap.