--Ads--

Binatikos ng isang political analyst ang bangayan sa Kamara, kasunod ng mainit na palitan ng akusasyon sa pagitan nina Rep. Leandro Leviste at Rep. Ryan Recto, na aniya’y nagpapakita ng umiiral na personal na alitan imbes na pagtutok sa paggawa ng batas.

Sentro ng isyu ang pahayag ni Leviste na tinawag umanong “cong-tractor” si Executive Secretary Ralph Recto, gayundin ang pag-uugnay nito kay CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola.

Naglabas naman ng matinding pahayag si Recto, kung saan iginiit niyang tinanggihan niya umano ang ₱1 bilyong alok ni Leviste kapalit ng pag-urong umano ni Vilma Santos-Recto sa pulitika.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law expert at law lecturer, sinabi niya na ang mga mambabatas ay dapat gumagawa ng batas at hindi nakikipagbangayan, lalo na kung personal na isyu ang pinagmumulan.

--Ads--

Giit niya, hindi ito ang asal na inaasahan ng mga botanteng nagluklok sa kanila sa pwesto, at panahon na naman ng matinding pulitika kung saan nauuwi sa bangayan ang ilang isyu na walang direktang pakinabang sa publiko.

Dagdag pa niya, nakakalimutan na ang pagkakaisa sa bansa, na nagdudulot ng paglihis ng atensyon mula sa mas mahahalagang suliranin at nagiging sanhi pa ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan.

Giit din niya na maganda ang pagbubunyag ng umano’y katiwalian, ngunit dapat ay malinaw ang paraan nito at walang halong pansariling interes o kapakinabangan.

Aniya, mas mahalagang tutukan ng publiko ang imbestigasyon ng Ombudsman kaysa sa bangayan ng mga mambabatas, dahil dito malalaman ang katotohanan at kung sino ang dapat managot.

Binigyang-diin din niya na ang resulta ng imbestigasyon ang magbibigay-linaw sa mga paratang, kaya mahalaga ang pagiging maingat ng publiko sa paghusga habang hindi pa tapos ang proseso, at dapat pairalin ang transparency at accountability sa gobyerno.