--Ads--

Bumalik sa clay courts ng Italian Open si Filipina tennis star Alex Eala nitong Sabado ng tanghali sa Court 7 para sa kanyang pagsasanay bago ang Round of 32 na gaganapin ngayong Linggo alas-10 ng gabi (oras sa Pilipinas)  laban kay Elena Rybakina.

Kasama sa practice si Liudmila Samsonova, kung saan nag-ensayo sila ng halos isang oras sa Foro Italico sa ilalim ng maaraw na kondisyon. Maraming fans ang nagtipon sa paligid ng korte upang saksihan ang kanilang ensayo.

Masinsinan ang training session kung saan pinagtuunan ang groundstrokes, volleys, overheads, serves, returns, at ilang rally points.

Nakita rin sa katabing court si world No. 1 Aryna Sabalenka na nagsasanay.

--Ads--

Masigla ang suporta ng mga fans sa buong session, kung saan paulit-ulit na tinawag ang pangalan ng mga manlalaro. Ilan sa mga Italian fans ay kinilala si Eala bilang “the Filipina Eala.”

Pagkatapos ng ensayo, parehong naglaan ng oras sina Eala at Samsonova para pumirma ng autograph at magpa-picture sa mga fans. Namigay rin si Eala ng signed tennis balls sa mga batang tagahanga bago umalis kasama ang kanyang coach.

Ayon sa ulat, nagsilbing mainam na tune-up ang laban ni Samsonova dahil magkahawig ang kanilang playing style at pisikal na lakas ni Rybakina, na makakatulong sa paghahanda ni Eala para sa kanyang laban.