Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan kaugnay sa naganap na sunog sa isang boarding house sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela na nasa tapat ng Our Lady of the Pillar College – Cauayan noong Mayo 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Reagan C. Bernardo, sinabi nito na dakong alas-6:00 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office kaugnay sa sunog sa isang residential building sa lugar.
Ayon kay SFO2 Bernardo, agad rumesponde ang mga tauhan ng BFP at pagdating sa lugar ay nagsagawa agad ng size-up at firefighting operation.
Aniya, unang idineklara ang first alarm ngunit makalipas ang ilang minuto ay itinaas ito sa second alarm matapos mapansing mabilis ang pagkalat ng apoy at may banta itong madamay ang mga kalapit na establisimyento at kabahayan.
Ipinaliwanag nito na malapit sa iba pang kabahayan at establisimyento ang nasunog na boarding house kaya kinailangang humingi ng karagdagang fire resources mula sa mga kalapit na fire stations upang matiyak na hindi kakapusin sa tauhan at suplay ng tubig.
Tuluyan namang idineklarang fire out ang insidente dakong alas-7:39 ng gabi.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Bernardo na posibleng nagsimula ang apoy sa bahagi ng comfort room batay sa pahayag ng isa sa mga boarders na unang nakakita ng sunog.
Dahil dito, isa sa pangunahing tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ang posibleng electrical issue, bagamat nilinaw nitong hindi pa ito pinal at patuloy pa ang kanilang masusing pagsusuri upang matukoy ang tunay na sanhi ng sunog.
Tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng pinsala sa nasunog na istruktura batay sa paunang assessment ng may-ari, hindi pa kabilang dito ang halaga ng mga personal na gamit ng mga boarders na natupok sa sunog.
Samantala, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko, partikular ang mga nakatira sa mga boarding house at residential buildings, na ugaliing tanggalin sa saksakan ang mga electrical appliances kapag hindi ginagamit at tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan upang maiwasan ang kaparehong insidente.










