Tiniyak ng Palanan Airport Police Station na nananatiling normal at maayos ang operasyon ng mga biyahe sa Palanan Airport sa kabila ng mga pagkaantala dulot ng malalakas na hangin sa ilang pagkakataon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Avelino Baño Jr., Chief ng Palanan Airport Police Station, sinabi nito na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga airline maliban na lamang kung may malakas na hangin na nagdudulot ng flight delay o kanselasyon, partikular sa coastal areas ng hilagang bahagi ng bansa.
Ayon kay PCapt. Baño, kasalukuyang dalawang lokal na airline ang regular na bumibiyahe sa Palanan—ang WCCS Pasada na may kapasidad na 12 hanggang 16 pasahero at ang Tagumpay Airline na kayang magsakay ng hanggang 12 pasahero. Kamakailan lamang ay nag-resume din ang operasyon ng Scyton Airways ngunit wala pa umanong regular na iskedyul ng biyahe.
Batay sa datos ng pulisya, tumaas ang bilang ng mga pasahero noong nakaraang Mahal na Araw, habang nakaranas naman ng bahagyang pagbagal ng paglabas ng mga pasahero dahil sa maintenance ng isang airline at paghihigpit ng Coast Guard sa biyahe ng bangka sa ilang ruta.
Samantala, tiniyak ng opisyal na nananatiling ligtas at payapa ang sitwasyon sa paliparan sa tulong ng koordinasyon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at iba pang airport authorities.
Bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad, ipinatutupad ng PNP Aviation Security Group ang motorcycle patrol, foot patrol, at bicycle patrol upang mas mapalawak ang pagbabantay habang tinutugunan din ang gastos sa operasyon at isinusulong ang kalusugan ng mga personnel.
Aktibo rin ang kanilang kampanya sa komunidad sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mga tricycle association at pasahero hinggil sa mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng terminal alinsunod sa Presidential Decree 1727 o listahan ng prohibited items.
Nagkakaroon din umano ng information drive laban sa terorismo, ilegal na droga, at iba pang banta sa seguridad, habang may nakatalagang “Ligtas Sumakay” personnel sa loob ng paliparan upang agad tumugon sa mga reklamo ng pasahero.
Sa usapin naman ng krimen, sinabi ni PCapt. Baño na sa ngayon ay wala pang naitatala na insidente ng karahasan o iba pang seryosong kaso sa loob ng Palanan Airport, ngunit nananatiling bukas ang kanilang tanggapan sa anumang reklamo, katuwang ang Women and Children Protection Desk (WCPD).






