Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Purok 1, Barangay Naggasican, Santiago City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Rey,” 38-anyos, driver at residente ng Echague, Isabela, at alyas “Boo,” 28-anyos, merchandiser at residente ng Solano, Nueva Vizcaya.
Pinangunahan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Police Station 4, kasama ang City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Santiago City Police Office, Quirino Police Provincial Office (PPO), at PDEA Region 2 ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.7 gramo at may Standard Drug Price na P4,426.
Narekober din ng mga awtoridad ang isang P500 buy-bust money, apat na piraso ng boodle money na tig-P1,000, isang pulang Vivo Android phone, at isang itim na Yamaha Aerox motorcycle.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng kinatawan mula sa National Prosecution Service at isang barangay kagawad ng Barangay Naggasican.Patuloy naman ang imbestigasyon habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.











