--Ads--

Magtatapos na ng pag-aaral ang 31 Persons Deprived of Liberty o PDL sa BJMP Cauayan sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS sa darating na buwan ng Hunyo o unang linggo ng Hulyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Senior Inspector Isagani Gayap na nagsisilbing Deputy Warden, sinabi nito na patuloy ang kanilang paghihikayat sa mga PDL na magpatuloy sa pag-aaral sa ilalim ng ALS program.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang aniya nila ang pinal na abiso mula sa Department of Education kaugnay sa eksaktong petsa ng graduation.

Batay sa kanilang tala, tatlong PDL ang magtatapos sa elementarya, labing-apat sa junior high school at labing-apat naman sa senior high school.

--Ads--

Ayon pa kay Gayap, malaking tulong ang programa upang mabigyan ng panibagong pag-asa at pagkakataon ang mga PDL na makapagbago ng kanilang buhay sa kabila ng kinahaharap na kaso.

Dagdag pa nito na sumasailalim na rin sa screening ang iba pang PDL na nais makapasok sa ALS dahil marami umano sa mga ito ang nagpahayag ng interes na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa susunod na pagkakataon.