Nagpamalas ng kanilang angking galing, talento at kumpiyansa ang ilang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Cauayan City District Jail sa pamamagitan ng beauty pageant at talent show bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week (NACCOW) 2026.
Lumahok sa inihandang programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang seksiyon ng pasilidad.
Naging makulay at masigla ang patimpalak nang rumampa ang ilang lalaking PDL na nakasuot ng mga damit pambabae at may makeup, na sinabayan ng hiyawan, palakpakan at tawanan mula sa kanilang mga kapwa PDL.
Bukod sa beauty pageant, ipinamalas din ng iba pang kalahok ang kanilang talento sa pagkanta at pagsayaw, na nagbigay ng aliw at positibong libangan sa mga PDL sa loob ng pasilidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JINCP Susan Encarnacion, binigyang-diin nito na layunin ng aktibidad na iparamdam sa mga PDL na sa kabila ng kanilang kasalukuyang kalagayan, nananatili silang mahalagang bahagi ng komunidad.
Ayon kay Encarnacion, bahagi na ng kanilang taunang programa ang pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad upang mapataas ang moral ng mga PDL at masuportahan ang kanilang rehabilitasyon at patuloy na pagbabago.










