--Ads--

May mga bagong lead at impormasyon na umanong hawak ang Department of Justice o DOJ kaugnay sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos itong umano’y palihim na umalis sa Senado bago magbukang-liwayway noong Huwebes.

Sa isang briefing, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na may “actionable information” na ang pamahalaan upang matukoy ang lokasyon ng senador.

Gayunman, nilinaw ng kalihim na wala pang inilalabas na manhunt order laban kay Dela Rosa kahit nananatiling balido ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Vida, naabisuhan na rin ang Philippine Center on Transnational Crime upang maipatupad ang nasabing warrant.

--Ads--

Nauna nang naglabas ang DOJ ng immigration lookout order upang mahigpit na mabantayan ang mga border ng bansa at mapigilan ang posibleng pag-alis ni Dela Rosa sa Pilipinas.

Samantala, bumuo na rin umano ang DOJ ng special panel of prosecutors para imbestigahan ang naganap na insidente ng pamamaril sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado noong Huwebes.

Matatandaang sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na inatake umano sila ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI, ngunit inamin din nitong siya ang unang nagpaputok ng baril.

Nilinaw naman ni Vida na hindi lamang sa insidente ng pamamaril iikot ang imbestigasyon ng DOJ at hindi pa aniya nito maituturing bilang “attack” laban sa Senado ang nangyari.

Tumanggi rin ang kalihim na tawaging “escape” ang naging pag-alis ni Dela Rosa sa Senado dahil maaga pa umano upang magbigay ng ganoong konklusyon.

Ayon pa kay Vida, iginagalang ng DOJ ang Senado bilang kapantay na sangay ng gobyerno gayundin ang hurisdiksyon ng Korte Suprema sa mga petisyong inihain ni Dela Rosa upang pigilan ang kanyang pag-aresto ng ICC.

Samantala, sinabi naman ni election lawyer Romulo Macalintal na maaaring mawalan na ng saysay ang mga petisyon ni Dela Rosa matapos itong umalis sa protective custody ng Senado.

Aniya, maaari nang igiit ng pamahalaan na wala na ang “imminent danger” na batayan ng hiling na temporary restraining order dahil wala na sa loob ng Senado ang senador.

Kaugnay naman ng insidente ng pamamaril, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na posibleng “staged” o planado umano ang nangyari.

Batay umano ito sa prinsipyo na ang may “means, opportunity, at motive” ang posibleng responsable sa insidente.

Ayon kay Matibag, maaaring ginamit umano ang insidente upang makaalis si Dela Rosa sa Senado.

Dahil dito, hinihiling naman nina Senate President Alan Peter Cayetano at Senadora Imee Marcos ang pagpapatalsik kay Matibag bilang pinuno ng NBI.

Samantala, sinabi rin ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na nawalan na ng proteksyon ng Senado si Dela Rosa nang tuluyan itong umalis sa premises ng Mataas na Kapulungan.