Nagpaalala ang Commission on Elections o Comelec sa publiko na ngayong araw na ang huling araw ng voter registration para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, ang lahat ng aplikasyon na maisusumite hanggang sa huling araw ay daraan pa rin sa tamang proseso ng beripikasyon at pagsusuri ng Election Registration Board (ERB). Nakatakda ang huling pagdinig ng ERB sa Hunyo 1.
Nagsimula ang voter registration noong Oktubre 20, 2025 at tumagal hanggang Mayo 18. Bukas ang mga registration center mula Martes hanggang Sabado, kabilang ang mga holiday, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Maaaring magparehistro ang mga aplikante sa kani-kanilang local Office of the Election Officer o sa mga itinakdang satellite at mall registration sites.
Sa ilalim ng batas, maaaring magparehistro ang mga Pilipinong 18 taong gulang pataas bago o sa mismong araw ng halalan, nakatira sa Pilipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lugar na bobotohan nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang eleksyon.
Hindi naman maaaring magparehistro ang mga nahatulan ng krimeng may kaparusahang isang taong pagkakakulong pataas maliban kung naibalik ang kanilang civil rights, mga napatunayang nagkasala ng kasong may kaugnayan sa pagtataksil sa gobyerno, at mga idineklarang mentally incapacitated ng kinauukulang awtoridad.
Muling nilinaw ng Comelec ang mga tinatanggap na valid ID para sa registration tulad ng Philippine Identification System ID, passport, driver’s license, SSS o GSIS ID, PRC ID, at iba pang government-issued IDs. Maaari ring tanggapin sa ilang pagkakataon ang barangay ID na may larawan.
Gayunman, hindi tinatanggap bilang valid ID ang community tax certificate o cedula at police clearance.
Kung walang maipakitang valid ID ang aplikante, maaari pa ring mapatunayan ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng panunumpa ng isang rehistradong botante o kwalipikadong kamag-anak, alinsunod sa mga patakaran ng Comelec.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ng Comelec ngayong araw ang pagproseso at pag-iisyu ng voter’s certificate sa lahat ng local Offices of the Election Officer upang bigyang-daan ang huling araw ng registration. Magbabalik naman sa normal na operasyon ang mga tanggapan bukas.
Mananatiling bukas ang National Central File Division sa Intramuros, Maynila mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon upang tumanggap ng mga kahilingan para sa voter’s certificate.











