Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kwalipikadong botante na samantalahin ang mahabang panahon ng voter registration at huwag nang hintayin ang deadline bago magparehistro para sa 2028 National and Local Elections.
Magsisimula ang voter registration sa Martes, Nobyembre 10, at magtatagal hanggang Hunyo 30, 2027.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mas mainam na maagang magparehistro ang publiko upang maiwasan ang dagsa ng mga aplikante habang papalapit ang deadline.
Paliwanag ni Garcia, mas maagang binuksan ang registration period dahil sa pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na orihinal sanang idaraos noong Nobyembre 2, 2026.
Matatandaang pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng batas na nagpapahaba sa termino ng mga opisyal ng barangay at SK mula apat hanggang limang taon at nagtakda sa Nobyembre 2028 bilang bagong iskedyul ng BSKE.
Tinatayang aabot sa 74 milyon ang mga rehistradong botante na lalahok sa 2028 National and Local Elections.











