Umaasa ang dating kongresista na magiging patas at makatarungan ang mga senador sa pagdinig ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former Cong. Teodoro “Teddy” Baguilat Jr. sinabi niya na ngayong nasa Senado na ang impeachment case, panahon na upang personal na humarap si VP Sara at sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya, gayundin ang mga agam-agam ng publiko.
Matatandaang hindi dumalo ang bise presidente sa mga isinagawang pagdinig ng komite sa Kamara, dahilan upang hindi nito direktang maipahayag ang kanyang panig sa mga alegasyon.
Ayon kay Baguilat, mahalagang pairalin ng Senado ang pagiging patas sa pagtalakay sa kaso, lalo na ngayong may pagbabago sa liderato ng kapulungan.
Bagamat aminado siyang maraming senador ang itinuturing na kaalyado ng kampo ni Duterte, naniniwala siyang dapat manaig ang kanilang constitutional duty kaysa sa impluwensiya ng pulitika.
Binigyang-diin din niya na bahagi ng panawagan ng mamamayan ang pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiya tulad ng umano’y flood control anomaly at iba pang isyu ng katiwalian.
Giit pa niya, nananatiling malaking hamon sa bansa ang korapsyon, ngunit mas mulat na ngayon ang publiko at mas matindi na ang panawagan upang mapanagot ang mga sangkot at matigil ang katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay Baguilat, ang impeachment proceedings laban sa isang mataas na opisyal ng gobyerno ay sumasalamin sa lumalakas na paninindigan ng mga Pilipino para sa transparency, accountability, at malinis na pamamahala.











