Inihalal ng mga senador si Jose Luis Montales bilang bagong Senate secretary kasunod ng pagbibitiw ni Mark Llandro “Dong” Mendoza.
Si Montales ay dati ring naging House Secretary General noong maging Speaker ng House of Representatives si Senate President Alan Peter Cayetano.
Dati rin siya administrator ng Taguig City government, ang balwarte ng mga Cayetano.
Si acting Senate Majority Leader Joel Villanueva ang nag-nominate kay Montales para sa naturang posisyon. Wala namang senador na tumutol sa nominasyon.
Agad namang isinara ang period of nomination matapos na walang ibang senador ang nag-nominate ng iba pa para labanan si Montales sa nasabing posisyon.
Idinaan ang botohan sa pamamagitan ng viva voce. Nanumpa si Montales sa harap ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Sabi ni Cayetano, hinimok nilang si Mendoza na manatili sa posisyon subalit boluntaryo umanong itong nagbitiw sa kanyang posisyon.
Nagbukas ang sesyon nitong Lunes, ang araw ng pag-convene ng Senado bilang impeachment court sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.Halos kumpleto ang attendance ng mga senador maliban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na umalis sa kustodiya ng Senado noong Huwebes ng madaling araw, ilang oras matapos ang nangyaring barilan sa gusali ng ng Upper Chamber noong Mayo 13.










