--Ads--

Inihayag ng isang Law Professor na mayroong tatlong pamamaraan upang mabago o maamyendahan ang konstitusyon, matapos ang alegasyon ng ilang Senador na mayroong binubuong hakbang ang ilang opisyal ng bansa upang hindi matuloy ang halalan sa 2028.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi niya na pagdating sa revision ng konstitusyon, mayroong tinatawag na Constitutional Assembly (Con-Ass), Constition Convention (Con-Con) at People’s Initiative.

Sa ilalim ng Con-Ass, ang mga miyembro ng Kongreso ay magco-convene bilang constituent assembly na gagawa ng proposal para sa mga nais nilang amyendahan sa konstitusyon.

Para maaprubahan, kinakailangan ng 3/4 na botong pabor mula sa mga miyembro ng kongreso upang maratipikahan ng taumbayan.

--Ads--

Para naman sa Con-Con, maghahalal ang taumbayan ng representatives sa Constitutional Convention kada distrito na siyang magbabalangkas at gagawa ng proposal na raratipikahan din ng mga botante.

Gayunman, kinakailangan naman ng 2/3 votes ng mga miyembro ng Kongreso para makapagsagawa ng Con-Con at makapaghalal ng indibidwal na may kakayahang makapagbalangkas ng batas.

Sa pamamagitan naman ng People’s Initiative, kinakailangan ng 12% ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante at 3% ng mga botante sa bawat distrito na nag-aapruba sa mga proposed ammendments na magtatapos pa rin sa ratipikasyon.

Ayon kay Atty. Arreola, bagama’t hindi imposible na maamyendahan ang konstitusyon kahit pa mahirap itong isulong, malaki aniya ang tiyansa na hindi ito papayagan ng taumbayan lalo na kung term extension lamang ang dahilan.