Iginiit ng isang constitutional law expert na hindi dapat awtomatikong isama sa bilang para sa two-thirds voting threshold ang mga senador na hindi aktuwal na makadadalo at makalalahok sa impeachment proceedings.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Constitutional Law Expert, sinabi niyang dapat ang Senate impeachment court mismo ang magpasya sa tamang computation ng voting threshold, bilang ito ang may kapangyarihang magtakda ng sariling rules of procedure sa impeachment cases.
Para kay Atty. Cayosa, ang dapat isaalang-alang sa two-thirds requirement ay ang mga miyembro ng Senado na aktuwal na makapagsasagawa ng kanilang tungkulin bilang senator-judges.
Aniya, hindi dapat kabilang sa computation ang mga senador na nakakulong, suspended at hindi makapagampan ng kanilang tungkulin, o hindi makadalo dahil nagtatago at hindi available para sa proceedings.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi niyang maaaring magbago ang aktuwal na bilang na pagbabasehan ng two-thirds, sa halip na awtomatikong manatili sa 24 na miyembro ng Senado.
Gayunman, nananatiling usapin sa impeachment court kung ang pariralang “two-thirds of all the Members of the Senate” sa Konstitusyon ay tumutukoy sa buong 24-member Senate o sa mga miyembrong legally at physically capable na lumahok sa impeachment proceedings.
Samantala, sinabi ni Atty. Cayosa na mahalagang Senate impeachment court mismo ang magresolba sa isyu upang magkaroon ng malinaw na batayan bago ang botohan sa impeachment case.











