Isinailalim sa demolition ang anim na kabahayan sa Brgy. Labinab, Cauayan City matapos ipatupad ang notice of demolition na inilabas ng Regional Trial Court Branch 19 laban sa mga nakatira sa nasabing lupa.
Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, kabilang sa mga apektadong lugar ang bahagi ng lupang malapit sa paaralan sa nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sheriff Jerry Pableo, sinabi nito na una nang napadalhan ng notice to vacate ang mga residente matapos silang matalo sa kasong may kaugnayan sa pagmamay-ari ng lupa.
Gayunman, hindi umano umalis ang mga residente sa lugar dahilan upang tuluyan nang ipatupad ang demolition ngayong araw.
Ayon pa kay Pableo, noon pang nakaraang taon inilabas ang writ of demolition ngunit naantala lamang ang implementasyon nito.
Dahil wala umanong temporary restraining order o TRO na nakuha ang mga defendant, itinuloy na ng korte ang demolisyon sa nasabing lugar.
Batay naman sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa abogado ng plaintiff, mahigit isang ektarya ang lawak ng lupang pinagtatalunan at halos dalawang dekada na rin umanong dinidinig ang kaso.
Noong 2016 pa umano nagkaroon ng pinal na desisyon kaugnay sa usapin sa lupa.
Sinikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng panig ang mga residenteng pinaaalis sa lugar subalit tumanggi na silang magbigay ng pahayag.











