Sumuko sa Burgos Police Station sa Isabela ang dalawang suspek sa pambubugbog sa isang bar sa Cauayan City na ikinasawi ng biktima.
Matatandaang nasawi ang biktimang si Norman Mabutin matapos itong bugbugin ng mga suspek sa harap ng isang bar sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Chief of Police ng Burgos Police Station, sinabi nito na may tumawag sa kanilang himpilan at nagbigay-alam na may dalawang lalaki na nais sumuko sa pulisya. Idinetalye rin umano sa tawag ang dahilan ng kanilang boluntaryong pagsuko.
Ayon kay Mallillin, matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek at nagtago sa Quezon, Isabela, habang ang isa naman nilang kasamahan ay naaresto sa San Francisco, Cauayan City.
Bandang tanghali kahapon, dumating ang dalawang suspek sa Burgos Police Station kasama ang isa nilang kaibigan upang pormal na sumuko sa mga awtoridad.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Burgos Police Station sa Cauayan City Police Station upang ma-turn over ang dalawang sumukong suspek para sa kaukulang proseso at imbestigasyon.
Batay sa salaysay ng mga suspek, nauna umanong nanigaw at naghamon ang biktima habang nasa loob ng bar. Ayon pa sa kanila, hanggang sa labas ng establisimyento ay patuloy umano itong sumisigaw at naghahamon, dahilan upang mauwi sa pambubugbog.
Iginiit naman ng mga suspek na hindi nila umano inaasahan na hahantong sa pagkamatay ng biktima ang insidente. Nang malaman nilang nasawi si Mabutin, nagtago umano sila upang pahupain muna ang tensyon bago tuluyang nagpasyang sumuko sa pulisya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at masiguro ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.











