Nagdaragdag ng humigit-kumulang 70 CCTV cameras ang ilang barangay sa Cauayan City bilang bahagi ng kanilang hakbang upang mapababa ang insidente ng krimen at mapalakas ang seguridad sa komunidad.
Isa sa mga barangay na aktibong nagsusulong ng programang ito ay ang Barangay Tagaran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Danilo Acob, sinabi niya na isinusulong ng kanilang pamunuan ang pag-install ng CCTV cameras dahil sa mga naitatalang insidente ng hit-and-run sa kanilang lugar.
Ayon kay Acob, mahalaga ang pagkakaroon ng CCTV cameras upang mas madaling matukoy ang mga sangkot sa anumang insidente at mapabilis ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Aniya, siyam na CCTV cameras na ang na-install sa kanilang barangay, partikular sa paligid ng barangay hall at sa mga pangunahing bahagi ng national highway, at inaasahan pang madaragdagan ito sa mga susunod na araw.
Dagdag pa niya, inilalagay ang mga naturang camera sa mga kritikal na lugar gaya ng entrance at exit points ng barangay upang higit na mapalakas ang monitoring at seguridad.
Malaki rin umano ang maitutulong ng CCTV cameras sa mga imbestigasyon, lalo na sa mga kaso ng hit-and-run na nagiging hamon sa mga awtoridad dahil sa kakulangan ng malinaw na ebidensya.
Samantala, nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa publiko na makiisa sa mga programang pangkapayapaan at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.











