--Ads--

Nagpahayag ng kahandaan ang National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ang anumang arrest warrant na maaaring ilabas ng International Criminal Court (ICC), kasabay ng babala na posibleng may iba pang indibidwal na maharap sa naturang kautusan.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, mayroon na silang impormasyon na may ilan pang personalidad na maaaring maisyuhan ng warrant mula sa ICC. Aniya, hindi mahalaga kung sino ang masasangkot dahil tungkulin ng ahensya na ipatupad ang anumang warrant na ilalabas.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na inatasan na ang lahat ng police units na hanapin at arestuhin si Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng warrant na inilabas ng ICC dahil sa umano’y papel nito sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Giit naman ni Atty. Ross Tugade, panahon na upang malinaw na ilahad ng pamahalaan ang opisyal nitong polisiya kaugnay sa mga warrant mula sa ICC upang maiwasan ang pagkalito at pangamba ng publiko.

--Ads--

Naniniwala ang NBI na nasa Pilipinas pa rin si Dela Rosa batay sa kanilang koordinasyon sa Bureau of Immigration at sa monitoring sa mga pangunahing entry at exit points ng bansa.

Gayunman, inamin ni Matibag na mahirap bantayan ang lahat ng posibleng daanan palabas ng bansa dahil sa dami at lawak ng mga entry at exit points sa Pilipinas.

Sinabi rin ng NBI na itinuturing nilang armado at mapanganib si Dela Rosa bilang bahagi ng standard protocol sa paghahanap sa isang pugante, lalo na’t dati itong hepe ng pambansang pulisya.

Nilinaw din ni Matibag na hindi maaaring tanggapin ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc ang warrant sa ngalan ng senador.

Kasabay nito, hinihikayat ng NBI si Senador Robin Padilla na makipagtulungan sa imbestigasyon matapos nitong kumpirmahing isinakay at ibinaba niya si Dela Rosa sa Makati matapos silang umalis sa Senado noong Mayo 13.

Samantala, iminungkahi ni dating Senate President Vicente Sotto III na magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee of the Whole kaugnay sa tangkang pag-aresto kay Dela Rosa at sa pag-alis nito sa protective custody ng Senado.