--Ads--

‎Arestado sa isang entrapment operation ang isang indibidwal na umano’y nagkunwaring may awtorisadong ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) at sangkot sa ilegal na panghihingi ng salapi kapalit ng facilitation o umano’y pagpapadali ng mga transaksyon sa lisensya at traffic violations sa Barangay Rosario, Santiago City.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, inihayag nito na isinagawa ang operasyon matapos ang koordinasyon at beripikasyon na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng umano’y alegasyon ng koneksyon ng suspek sa LTO.

‎Lumabas sa isinagawang validation at authentication process na ang naturang indibidwal ay walang anumang opisyal na appointment, designation, accreditation, o legal na kapangyarihan mula sa ahensya, kaya’t agad itong iniendorso para sa kaukulang law enforcement action at pagsasagawa ng entrapment operation.

‎Ayon pa kay Ginoong Buendia, batay sa paunang imbestigasyon at salaysay ng mga complainant, inamin umano ng suspek ang pagkakasangkot sa serye ng iligal na transaksyon kung saan tinatayang limang indibidwal na ang nabiktima.

‎Siningil umano ang bawat isa ng mahigit ₱12,000 kapalit ng umano’y expedited processing at facilitated release ng mga dokumento sa LTO.

‎Dalawa sa mga biktima ang nagsampa ng pormal na reklamo sa CIDG, na nagsilbing pangunahing batayan sa paglatag at pagpapatupad ng entrapment operation laban sa suspek.

‎Isinagawa ang operasyon ng CIDG Santiago City Field Unit katuwang ang Santiago City Police Office Police Station 3, ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), at ang LTO Santiago Extension Office.

‎Nakumpiska mula sa suspek ang marked money na ginamit sa operasyon at ilang dokumentong may kaugnayan sa aplikasyon ng driver’s license.

‎Patuloy namang iginiit ng LTO ang mahigpit na paalala sa publiko na iwasan ang anumang pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal upang maiwasan ang maging biktima ng panlilinlang at fixing activities.