--Ads--

Mas maraming aksidente sa kalsada ang naitatala ng Land Transportation Office o LTO na kinasasangkutan ng mga motorsiklo kumpara sa iba pang uri ng sasakyan sa Santiago City at mga karatig na lugar.
‎
‎Dahil dito, muling pinaalalahanan ng LTO ang mga motorcycle rider na maging responsable sa pagmamaneho at huwag balewalain ang paggamit ng helmet na nagsisilbing pangunahing proteksiyon sakaling masangkot sa aksidente.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay chief Dennis Buendia, ng LTO Santiago Extension Office, sinabi nitong kabilang sa mga karaniwang nakikita nilang dahilan ng mga aksidente ang mabilis na pagpapatakbo, pagsingit-singit sa daloy ng trapiko at kawalan ng sapat na pag-iingat habang nagmamaneho.
‎
‎Mas nagiging mapanganib din aniya ang pagbiyahe kapag nakainom ng alak ang isang motorista dahil maaari nitong maapektuhan ang kaniyang kakayahang magdesisyon at makaiwas sa mga posibleng panganib sa kalsada.
‎
‎Ilan sa mga lugar na kanilang namomonitor na may mga naitatalang vehicular accident ay ang bahagi ng Cordon, partikular sa mga paakyat na lansangan, gayundin sa Bypass Road sa Ambalatungan at sa Fourlanes sa Santiago City.
‎
‎Isa sa mga insidenteng binanggit ni chief Buendia ang aksidente sa bahagi ng Fourlanes kung saan isang motorsiklo ang umano’y mabilis ang pagpapatakbo bago bumangga.
‎
‎Ayon sa opisyal, mas madaling mawalan ng balanse ang isang motorsiklo kapag nasagi o nawalan ng kontrol ang nagmamaneho nito, lalo na kung mabilis ang takbo at hindi nabibigyan ng sapat na distansiya ang iba pang sasakyan.
‎
‎Dahil dito, binigyang-diin niya na mahalagang iwasan ng mga rider ang biglaang pagsingit at pakikipagsabayan sa bilis ng ibang sasakyan, gayundin ang pagmamaneho matapos uminom ng alak.