Agad na inaksyunan ng pamunuan ng Barangay Baluarte, Santiago City ang mga delikadong manhole sa lugar matapos ireklamo ng mga residente dahil sa banta nito sa kaligtasan ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Eduardo Dacanay, sinabi nitong agad silang nakipag-ugnayan sa City Engineering Office upang maresolba ang problema, dahilan upang agad na mapalitan ng bagong steel cover ang ilang sira at nakabuyangyang na manhole sa lugar.
Ayon kay Dacanay, mas makapal at mas matibay na takip ang inilagay kumpara sa naunang nakakabit upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista, pedestrian, at siklistang dumaraan sa lugar.
Gayunman, sinabi ng opisyal na patuloy pa rin ang imbestigasyon ng barangay kaugnay sa pagkawala ng ilang orihinal na takip ng manhole.
Kasalukuyan ding nirerepaso ang mga CCTV footage upang matukoy kung may naganap na pagnanakaw o ilegal na pagtatanggal ng mga bakal na takip.
Nanawagan si Dacanay sa publiko na tigilan ang pagnanakaw at paninira sa mga imprastraktura ng pamahalaan dahil nagdudulot ito ng panganib sa kaligtasan ng publiko.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang ilang residente matapos mapansin ang mga bukas at sirang manhole na posibleng pagmulan ng aksidente, lalo na sa gabi at madaling araw kung kailan mahina ang visibility sa lugar.
Pinaniniwalaan ng barangay na posibleng tinangay ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal ang ilang steel cover upang ibenta bilang scrap metal.
Nauna na ring may mga namataang tambay at mga nangangalakal sa lugar noong kasagsagan ng drainage project sa barangay.






