Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang concerned citizen upang ipaabot ang kanyang pangamba kaugnay ng ginagawang kalsada sa Barangay Napaccu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.
Ayon sa nagreklamo, wala umano siyang nakikitang mga bakal o dowel na inilalagay sa gitna at sa mga gilid ng kalsada.
Dagdag pa niya, purong semento lamang umano ang ginagamit sa naturang proyekto, kaya nangangamba siya kung magiging matibay at tatagal ang nasabing daanan.
Subalit agad namang pinabulaanan ni Edward Ola, foreman ng proyekto, ang mga alegasyon ng naturang concerned citizen.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa foreman, iginiit nitong walang katotohanan ang reklamo.
Aniya, mayroon silang inilalagay na mga dowel o abang na bakal sa ginagawang kalsada, ngunit hindi lamang ito agad na nakikita sa kasalukuyang yugto ng proyekto.
Paliwanag ng foreman, kailangan muna nilang hintaying matuyo ang unang bahagi ng ibinuhos na semento bago tiktikan at idugtong ang mga abang bakal para sa kasunod na bahagi ng daan.
Inihayag din nito na ang kasalukuyang sistema ng kanilang paggawa ay para rin sa seguridad ng mga bumabiyaheng motorista, lalo na tuwing gabi, upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring idulot ng mga nakalabas na bakal sa kalsada.
Samantala, sinuportahan naman ng punong barangay ng Napaccu Pequeño ang pahayag ng foreman.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Arnel Reyes, binigyang-diin nitong personal niyang minomonitor ang pagpapatupad ng proyekto.
Batay na rin sa kanyang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng construction team, tiniyak umano na may inilalagay na mga bakal sa mga kinakailangang bahagi ng kalsada at hindi ito purong semento lamang, gaya ng ipinag-aalala ng nagreklamo.











