--Ads--

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na natanggap na nito ang kopya ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ng Sandiganbayan laban kay Senador Rodante Marcoleta at tatlo pang indibidwal, at handa itong ipatupad sakaling tangkain nilang umalis ng bansa.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, batid na ng ahensya ang kautusan at makikipag-ugnayan ito sa Sandiganbayan sakaling matukoy ang presensya ng mga sangkot sa alinmang international port. Wala rin umanong naitalang kamakailang biyahe para sa apat na personalidad.

Nauna nang inaprubahan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng Office of the Ombudsman na magpalabas ng PHDO laban kina Marcoleta, dating kongresista Michael Defensor, at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.

Kaugnay ito ng kasong plunder, indirect bribery, at paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa pagbibigay ng regalo sa mga opisyal ng gobyerno.

--Ads--