Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na direktang isumite bilang ebidensiya ang mga naunang naitalang testimonya ng tatlong saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang mapabilis ang paglilitis.
Sa kanilang mosyon na may petsang Oktubre 21, iginiit ng prosecution na may mahalagang impormasyon ang mga testimonya kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killing na kinasasangkutan ng mga pulis, kabilang ang mga insidente sa ilalim ng operasyon kontra droga.
Ayon sa prosecution, mababawasan ang oras ng paglilitis kung gagamitin ang mga naunang testimonya at magtatanong na lamang nang karagdagan sa mga saksi. Gayunman, kailangan pa ring dumalo ng mga ito sa korte at sumailalim sa cross-examination ng depensa.
Nakabinbin pa sa ICC Trial Chamber ang pag-apruba sa sa nasabing mosyon.







