Ilang malalaking operasyon ang isinagawa ng Cauayan City Police Station sa loob lamang ng isang linggo sa ilalim ng bagong liderato.
Matatandaan na kamakailan ay ikinasa ng himpilan ang big-time operation laban sa smuggled na sigarilyo kung saan umabot sa P82.7-M halaga ng mga iligal at pekeng sigarilyo ang nasabat mula sa nirentahang hotel na nagsilbing imbakan sa Barangay District 1, Cauayan City.
Sa katunayan, limang kuwarto ang target ng operasyon subalit dalawang kuwarto na lamang ang naabutan ng mga otoridad.
Inihahanda na ang kasong economic sabotage laban sa mga suspek mula sa bahagi ng CIDG at tax evasion naman sa bahagi ng BIR.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Immigration para sa pagkakakilanlan ng nakatakas na Chinese national.
Nitong nakaraang linggo, nahuli rin ang ilang drug personalities na sangkot sa pagbebenta ng marijuana, at ang huli ay ang pagkakaaresto ng mag-ina na nahuli sa aktong pagnanakaw sa pamamagitan ng paglaslas ng bag sa Cauayan City Private Market. Ang mag-inang suspek ay ngayon nahaharap na sa patong-patong na kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Jerry Castillo, Officer-In-Charge ng Cauayan City Police Station, ilang mga biktima ng laslas-bag scheme ang lumantad at dumulog sa kanilang himpilan. Isa rito ang isang negosyante at vendor sa pribadong pamilihan na natangayan ng humigit-kumulang P80,000 dahil sa nasabing modus.
Batay sa kanilang mga nakalap na impormasyon, napag-alaman na ang anak na suspek sa paglalaslas ng bag at pandurukot ay may existing na labindalawang kaso ng pagnanakaw sa lalawigan ng Nueva Ecija mula 2006 hanggang 2026.
Sa nasabing modus, ang anak ang siyang naglalaslas ng bag habang ang ina naman ang siyang nagtatago ng mga ninakaw na item.
Ang mag-inang kawatan ay sangkot at nag-ooperate sa iba’t ibang pampublikong lugar sa Cauayan City, Nueva Ecija, Pampanga, at Cagayan.
Batay sa PNP, may ilang kasamahan pa ang mga suspek at may sariling getaway vehicle na ginagamit nila sa paglipat sa iba’t ibang bayan.
Dahil sa mga naitalang insidente ng pagnanakaw at pandurukot, nag-deploy na ang himpilan ng apat na pulis na siyang magpapatrolya sa loob at labas ng pamilihan habang nagsasagawa ng Oplan Tambuli na nagbibigay paalala sa lahat ng nasa pamilihan.










