--Ads--

Isang lalaki mula Idaho ang nakapagtala ng bagong Guinness World Record matapos matagumpay na balansehin sa kanyang baba ang isang umaandar na chainsaw sa loob ng pinakamahabang oras, isang rekord na kanyang sinabing hindi na niya muling susubukan.

Ang record holder na si David Rush, na kilala sa pagkakaroon ng pinakamaraming sabayang Guinness World Records titles, ay isinagawa ang hamon noong Mayo 2025 sa huling soccer practice ng kanyang panganay na anak.

Kinumpirma ng Guinness World Records na opisyal na niyang hawak ang titulo matapos niyang mapanatili ang balanse ng chainsaw sa loob ng 4 minuto at 1.44 segundo bago ito tuluyang ibaba.

Ayon kay Rush, kabilang ang naturang hamon sa mga pinakamapanganib at nakakatakot na ginawa niya sa buong buhay niya, at inabot pa umano siya ng ilang taon bago nagkaroon ng lakas ng loob na subukan ito.

--Ads--

Gumamit siya ng electric chainsaw sa halip na gas-powered na kagamitan upang maiwasan ang biglaan at hindi kontroladong galaw ng makina.

Sa kabila nito, marami pa rin umanong naging hamon sa kanya kabilang ang tumatagas na langis mula sa talim na tumulo sa kanyang mukha kaya kinailangan niyang gumamit ng safety goggles.

Ibinahagi rin niya na kailangang panatilihin ang tamang balanse ng bigat ng chainsaw habang umiikot ang talim ilang pulgada lamang mula sa kanyang mukha, habang unti-unting tumitindi ang kanyang nerbiyos.

Matapos makamit ang rekord, sinabi ni Rush na wala na siyang balak ulitin ang naturang hamon, at itinuturing niya itong paalala na bagama’t kayang lampasan ng tao ang limitasyon, mahalaga pa rin ang pag-iingat at pag-alam sa hangganan ng determinasyon at panganib.