Umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng isang under construction na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga, ayon sa mga awtoridad nitong Linggo.
Batay sa ulat ng Angeles City Information Office, ipinaabot kay Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang pinakabagong impormasyon dakong 7:50 ng umaga matapos matagpuan ng search and retrieval team ang labi ng isang lalaking biktima sa ilalim ng mga gumuhong bahagi ng gusali.
Agad na nilagyan ng kaukulang tag at dokumentasyon ng City Health Office ang labi bilang bahagi ng Disaster Victim Identification (DVI) protocol upang matiyak ang tamang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon kay Lazatin, nakakita ang Unified Command ng vaccination card na may pangalan, na maaaring makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng nasawing lalaki.
Gayunman, sinabi ng alkalde na daraan pa sa masusing beripikasyon ang mga labi at maglalabas lamang ng opisyal na pahayag kapag natapos na ang proseso ng DVI.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue, retrieval, at clearing operations ng Unified Command sa gumuhong siyam na palapag na gusali, isang linggo matapos ang insidente.
Tiniyak din ng pamahalaang lungsod na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong at suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.
Noong Sabado, sinabi ng isa sa mga abogado na handang tumulong ang may-ari ng gusali sa mga biktima at nais nitong magsagawa ng isang independent investigation upang matukoy ang sanhi ng pagguho ng istruktura.







