Aabot sa humigit-kumulang 30 hanggang 40 katao ang naiulat na na-trap matapos gumuho ang isang itinatayong siyam na palapag na gusali sa Angeles City nitong Linggo.
Ayon sa Angeles City Information Office, naganap ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw sa isang construction site sa Teodoro Street, Barangay Balibago, batay sa ulat ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa paunang rescue operation, walong katao ang agad na nasagip na nagtamo lamang ng mga galos at minor na sugat. Samantala, ang foreman ng konstruksyon at 10 iba pa ay nakalabas din mula sa gumuhong istruktura at kasalukuyang ginagamot at nasa maayos na kondisyon.
Ayon kay Angeles City Information Office head Jay Pelayo, ang mga natitirang naiwan sa loob ay pawang mga construction worker batay sa impormasyon ng foreman.
Nadamay din sa pagbagsak ang katabing istruktura kung saan isang turista ang pansamantalang na-trap ngunit agad ding nasagip.
Nasa ika-9 na palapag na ang konstruksyon nang mangyari ang pagguho. Kasalukuyang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa ilalim ng isang unified command system.
Pinangungunahan ng Bureau of Fire Protection ang operasyon, katuwang ang Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, habang ang Philippine National Police naman ang nakatutok sa seguridad. Ang Angeles City Information Office ay nakatalaga sa komunikasyon ng operasyon.
Wala pang tiyak na dahilan ang pagbagsak ng gusali, ngunit lumalabas sa paunang ulat na nagkaroon ng malakas na ulan at hangin nitong Sabado ng gabi. Ayon sa PAGASA, umabot sa 44 mm ang ulan sa lungsod mula alas-7 hanggang alas-8 ng gabi.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan upang hindi maantala ang rescue operations at maiwasan ang dagdag na panganib.







