Nagtapos sa ikaapat na puwesto ang Filipino singer na si Matty Juniosa sa grand finals ng Britain’s Got Talent matapos ang matagumpay na journey nito na nagbigay sa kanya ng dalawang Golden Buzzer sa kompetisyon.
Sa kanyang huling pagtatanghal, inawit ni Juniosa ang kantang Nothing Compares 2 U, na nagpakita ng kanyang husay at lakas sa pag-awit.
Pinuri siya ng huradong si Alesha Dixon dahil sa kanyang kahanga-hangang boses at inilarawan ang kanyang pagtatanghal bilang napakahusay at natural. Nagbigay rin ng mataas na papuri si Simon Cowell, na nagsabing naging pambihira ang naging performance ng Filipino singer sa finals.
Sa huling botohan ng mga manonood, nasungkit ng Hawkstone Farmers Choir ang kampeonato. Pumangalawa naman ang Celestial, habang pumangatlo ang dance duo na Anastasiia and Salsa.
Naging isa si Juniosa sa mga paboritong kalahok ng kompetisyon matapos siyang makatanggap ng unang Golden Buzzer mula kay Simon Cowell na nagdala sa kanya sa semifinals.
Sa semifinals, muli siyang nakatanggap ng Golden Buzzer, sa pagkakataong ito mula kay Amanda Holden, na nagbigay sa kanya ng direktang tiket patungo sa finals.
Bagama’t hindi niya nakuha ang kampeonato, nag-iwan si Matty Juniosa ng matinding impresyon sa mga hurado at manonood, at ipinakita ang talento ng mga Pilipino sa isa sa pinakamalaking talent competition sa mundo.






