Pinangalanan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer John Carlo Rivera ngayong Martes, June 2, sa pagdinig ng Sandiganbayan sa kasong malversation nina dating Senator Bong Revilla at iba pang akusado ang mga contractors na nagbibigay ng commitment o cash in advance para masigurong sa kanila mapupunta ang mga proyekto ng flood control project sa Pandi, Bulacan simula 2022 hanggang 2025.
Kabilang sa listahan ni Rivera ay ang Jb construction, Triple A construction, Top-notch, Lourdes construction, IM construction, at iba pa na hindi na umano maalala ni Rivera dahil ang mga nabanggit na contractors lang umano ang palaging nagpapadala ng pera na aabot sa P10-M pataas.
Samantala, kabilang naman sa mga pinangalanang proponents ni Rivera ay sina dating mambabatas na si Zaldy Co, dating DPWH Usec Roberto Bernardo, dating mambabatas Mitch Cahayon at Ferdstar Builders Contractors.
Gayunpaman, sinabi ni Rivera sa Korte na hindi niya alam kung napupunta ba kay Revilla ang nasabing mga pera dahil wala naman umano siyang natatanggap na resibo o kahit anong pruweba tungkol dito.
Matatandaang si Rivera ang tumayong taga asikaso ni Alcantara ng mga listahan, pagkokontak sa mga kontraktor, pagtanggap ng pera, at paghahatid nito sa tanggapan ni Alcantara kapalit ng P10-M buwan-buwan.










