--Ads--

Binigyang-diin ni PBGen. Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO-2), ang kahalagahan ng pagiging aktibo, madaling malapitan, may pananagutan at katanggap-tanggap sa publiko ng bawat pulis upang higit na mapalakas ang serbisyo ng kapulisan sa rehiyon.

Sa panayam ng media, sinabi ni PBGEN. Rodriguez na wala silang bagong programa para sa hanay ng kapulisan at patuloy lamang nilang ipinatutupad ang mga programa ng pamunuan ng Philippine National Police sa ilalim ng kasalukuyang Chief PNP. Gayunman, mayroon aniyang mga inobasyon ang PRO-2 na nakatuon sa mas epektibong pagpapatupad ng mga umiiral na programa ng PNP.

Ayon pa sa opisyal, nakasentro ang kanilang serbisyo sa prinsipyo ng “To Serve and Protect” kung saan lahat ng mamamayan, kabilang ang mga ordinaryong mamamayan, mayayaman at maging ang mga nasasangkot sa krimen, ay may karapatang maprotektahan.

Ipinaliwanag din niya ang apat na pangunahing prinsipyo na kanilang sinusunod na pawang nagsisimula sa letrang “A” — Active, Accessible, Accountable at Accepted.

Aniya, dapat maging aktibo ang mga pulis sa pagtugon sa kanilang tungkulin, madaling malapitan ng publiko sa anumang oras, may pananagutan sa kanilang mga aksyon at pagkukulang, at sa huli ay makamit ang pagtanggap at tiwala ng mamamayan.

Dagdag pa niya, mahalagang maipakita ng kapulisan ang mabilis at maayos na serbisyo 24 oras sa isang araw at pitong araw sa isang linggo upang matugunan agad ang mga pangangailangan at reklamo ng publiko.

Aniya, ang pagtitiwala ng mamamayan ang pinakamahalagang sukatan ng matagumpay na serbisyo ng Philippine National Police.

--Ads--