Inilatag ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang dahilan ng kanyang pagdalo sa sesyon ng Senado, na nagresulta sa pagkakabuo ng quorum para sa grupo ni Senador Tito Sotto at pag-usad ng reorganisasyon sa kapulungan.
Ayon kay Escudero, ang kanyang hakbang ay hindi tungkol sa pulitika kundi sa pagtiyak na patuloy na gagana ang Senado matapos ang ilang araw na hindi pagsasagawa ng sesyon.
“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi maaaring maparalisa ang Senado at kinakailangang matupad ang tungkulin nito sa publiko.
“Ito ang rason at dahilan ng aking pasya ngayong araw na ito. Hinihiling ko ang inyong pag-unawa sa amin, kasabay ng inyong panalangin para sa inyong Senado na malampasan ang hamon na ito at patuloy na magampanan namin ang aming tungkulin sa inyo at sa sambayanan,” aniya.
Dahil sa kanyang pagdalo, umabot sa 12 senador ang grupo ni Sotto, na nagbigay-daan para makapagsagawa ng sesyon at maghalal ng bagong liderato, kabilang si Sen. Sherwin Gatchalian bilang acting Senate President at Senate President Pro Tempore.
Samantala, nanindigan naman si Senador Alan Peter Cayetano sa isang Facebook live na siya pa rin ang lehitimong Senate President, at iginiit na 13 senador ang kinakailangan upang makapaghirang ng liderato ng Senado ayon sa umiiral na mga patakaran.





