--Ads--

Binigyang-diin ng isang law expert na dapat ang Pangulo ng Senado ang nagsilbing Presiding Officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos italaga ng Senado si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer sa botong 12-8 sa halip na si Senate President Sherwin Gatchalian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi niya na trabaho ng Pangulo ng Mataas na Kapulungan ang mag-preside alinsunod na rin sa nakasaad sa Article XI, Section 3, Subparagraph (6) ng 1987 Philippine Constitution pagdating sa usapin ng impeachment, maliban na lamang kung ang Pangulo ng bansa ang nililitis.

Sa panig aniya ng Mayorya ng Senado, nagbatay umano sila sa Section 3, Paragraph 8 ng Konstitusyon kung saan nakasaad na ang may leeway ang Kongreso na gumawa ng pamantayan o rules sa impeachment dahilan upang magtalaga sila ng presiding officer kahit pa mayroong kasalukuyang Lider ang Mataas na Kapulungan.

--Ads--

Aniya, dahil dito ay maaaring kwestiyunin kalaunan ang proseso na ginawa ng Senado dahil pwedeng makaapekto ito sa validity ng impeachment proceedings kung sakaling iba ang nag-preside kaya nararapat lamang na ayusin ng Senado ang kalituhang ito.

Kung ang pagiging hindi Abogado ni Gatchalian ang dahilan kung bakit iniluklok si Escudero na mamuno sa impeachment trial, nilinaw ni Atty. Arreola na hindi naman inoobliga na Abogado ang maging presiding officer dahil parte ito ng trabaho ng Senate President.