Kinumpirma ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na nakararanas ngayon ang bansa ng oversupply o sobrang suplay ng itlog bunsod ng mababang demand at pagdami ng mga producer ng itlog.
Ayon kay PEBA chairman Gregorio San Diego, lumobo ang produksyon ng itlog sa bansa matapos lumipat sa egg production ang ilang hog at poultry raisers na nalugi dahil sa pagdagsa ng imported na karne ng baboy at manok.
Ipinaliwanag ni San Diego na maraming negosyante ang pumasok sa industriya ng pangingitlog dahil inaakala nilang hindi sila haharap sa matinding kompetisyon mula sa mga imported na produkto.
Dagdag pa niya, isa sa mga naging dahilan ng oversupply ay ang pagtaas ng bilang ng layer breeders na umabot sa 803,000 ulo noong nakaraang taon, mas mataas kumpara sa tinatayang 600,000 ulo lamang na kinakailangan upang matugunan ang pangangailangan sa merkado.
Sa kabila nito, umaasa ang industriya ng itlog na muling tataas ang demand at magiging mas matatag ang presyo ng produkto sa pagbubukas ng klase, kung kailan mas tumataas ang konsumo ng mga pamilyang Pilipino.










