Umaasa ang isang Constitutional Law expert na mamamayani ang sense of duty at dignidad ng mga senador sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at agawan sa liderato ng Senado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), sinabi niya na sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari ay kapansin-pansin na mas nangingibabaw ang political at personal interest ng ilang mga mambabatas.
Giit ni Atty. Cayosa, hindi dapat balewalain ng mga senador ang tiwala ng mga mamamayang sumuporta sa kanila noong halalan, at hindi rin dapat mas mangingibabaw ang bulag na pagsunod sa kani-kanilang mga koalisyon o political groups.
Upang bigyang-linaw ang legal na aspeto ng gusot, ipinaalala ni Atty. Cayosa ang Avelino vs. Cuenco case noong 1949. Ang makasaysayang kasong ito ay nag-ugat din sa agawan sa pwesto nang patalsikin bilang Senate President si Jose Avelino dahil sa mga akusasyon ng korapsyon, at pumalit sa pwesto ng pro-tempore si Mariano Jesus Cuenco habang wala ang ibang mga senador.
Ayon kay Cayosa, sa ilalim ng naging desisyon ng Korte Suprema sa Avelino vs. Cuenco, nilinaw na ang usapin kung sino ang lehitimong pinuno ng Senado ay isang political question. Ibig sabihin, walang kapangyarihan ang hudikatura o ang Korte Suprema na makialam sa panloob na pamamahala ng Lehislatura. Ang Senado mismo, sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng mga miyembro nito na bumubuo ng quorum, ang may solong kapangyarihang magtalaga o magpalit ng kanilang pinuno.
Dahil dito, binigyang-diin ng eksperto na nasa kamay mismo ng mga senador ang mabilis na solusyon sa krisis. Hinamon niya ang mga ito na pumasok sa sesyon, bumoto nang tapat ayon sa Saligang Batas, at iwasan ang mga umano’y bogus o kaduda-dudang pagtitipon sa labas ng plenaryo upang hindi maperwisyo ang mga nakabinbing batas na para sa kapakanan ng bansa.











