--Ads--

Nagpahayag ng kahandaan si Batangas First District Representative Leandro Leviste na magbahagi ng impormasyon at tumulong sa isinasagawang legislative inquiry ng Senado hinggil sa mga maanomalyang flood control projects.

Sa isang opisyal na liham na may petsang Hunyo 5, 2026 na ipinadala nitong Lunes, Hunyo 8, pormal na nakipag-ugnayan si Leviste sa tanggapan ni Senador Erwin Tulfo, ang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian. Ayon kay Leviste may hawak siyang mahahalagang datos na maaari niyang ilatag sa imbestigasyon sa lalong madaling panahon kung pahihintulutan ng komite.

Idinagdag pa ng mambabatas na bukas siya sa anumang imbestigasyon na may kinalaman sa mga proyekto laban sa pagbaha pati na rin sa iba pang mga programa ng Department of Public Works and Highways o DPWH.

Inamin din ni Leviste sa kanyang sulat na nauna na niyang hiningi ang contact details ni Tulfo sa kanyang ina na si Senador Loren Legarda. Gayunpaman, hindi ito ibinigay ng kanyang ina kaya napilitan siyang ipadala ang liham sa email address na nakasulat sa opisyal na website ng Senado para sa buong katapatan.

--Ads--