--Ads--

Kinasuhan ng kabuuang 25 kaso, kabilang ang manslaughter at conspiracy to defraud, ang pitong indibidwal at dalawang kumpanya kaugnay ng nakamamatay na sunog sa Hong Kong noong Nobyembre ng nakaraang taon na ikinamatay ng 168 katao, ayon sa pamahalaan.

Ang sunog ay sumiklab noong Nobyembre 26 sa Wang Fuk Court apartment complex sa Tai Po district. Ito ang itinuturing na pinakanakamamatay na sunog sa lungsod sa loob ng ilang dekada at nagdulot ng paglikas ng libo-libong residente.

Ayon sa mga awtoridad, isinampa ang mga kaso ng pulisya at ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) sa dalawang hiwalay na kaso. Kabilang sa mga paratang ang money laundering, attempting to pervert the course of public justice at tax evasion.

Ang dalawang kumpanyang kinasuhan ay ang project consultancy firm at pangunahing contractor sa renovation project ng gusali, habang ang mga indibidwal ay mga direktor at opisyal na may iba’t ibang papel sa proyekto.

--Ads--

Dinala sa korte ang mga akusado nitong Miyerkules ng hapon, at aabot na sa 35 katao ang naaresto kaugnay ng malawak na imbestigasyon ng pulisya at ICAC.

Patuloy pa ang imbestigasyon, at itinakda sa Setyembre 2 ang susunod na pagdinig ng kaso.