Tinuligsa ng Embahada ng Tsina sa Maynila ang depensa ni Rear Adm. Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard hinggil sa transparency initiative ng pamahalaan, na umano’y ginagamit lamang upang siraan ang Beijing.
Sa pahayag ni Deputy Spokesperson Guo Wei noong Hunyo 13, iginiit ng Tsina na ang kanilang mga aktibidad sa paligid ng Bajo de Masinloc (Huangyan Dao) ay lehitimong paggamit ng soberanya.
Aniya, “Huangyan Dao ay likas na teritoryo ng Tsina, at may hindi matatawarang soberanya ang Tsina sa lugar at karatig na tubig.”
Iginiit ni Guo na normal lamang ang mga aktibidad gaya ng pananaliksik sa dagat.
Binatikos ang Pilipinas sa umano’y patuloy na pang-aabala at provocation sa ilalim ng “transparency.”
Tinawag na “cherry-picking” ang pagbabahagi ng aerial images ng movable platform.
Depensa ni Tarriela dokumentado at inilabas sa publiko ang mga larawan bilang patunay ng transparency, hindi para palakihin ang isyu.
Ayon sa PCG, unang nakita ang estruktura noong Mayo, na pinaniniwalaang ginagamit sa pagkuha ng maritime data nang walang pahintulot ng Pilipinas.
Nanindigan ang DFA na tanging Pilipinas ang may karapatang magtayo ng estruktura sa lugar, alinsunod sa UNCLOS at 2016 arbitral ruling.
Binalikan ni Tarriela ang karanasan noong 1995 kung saan ang tinaguriang “silungan ng mangingisda” ay nauwi sa artificial island na may pasilidad militar.
Aniya, hindi dapat basta paniwalaan ang mga pahayag ng Tsina, at ang tanging paraan para patunayan ang sinseridad ay ang pag-alis ng platform at pagtigil sa iba pang konstruksyon.











