Naaresto ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit o CDEU ng Ilagan City Component Police Station ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Uno, Barangay San Vicente, City of Ilagan.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Laklak,” 42 anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Barangay Imelda Bliss Village.
Batay sa ulat, ikinasa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 kung saan naaresto ang suspek matapos umanong makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa operasyon ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 0.1 gramo, buy-bust money, motorsiklo na may sidecar, hinihinalang perang pagmamay-ari ng suspek at isang sling bag.
Agad namang isinagawa ng mga operatiba ang pagmamarka, pagkuha ng larawan at imbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng kinatawan ng National Prosecution Service at isang opisyal ng barangay upang matiyak ang integridad at maayos na chain of custody ng mga nakumpiskang ebidensya.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











