Dalawang indibidwal na kapwa kinilalang Street-Level Individuals (SLI) ang naaresto sa isang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 2, Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na bentahan ng droga.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Balong” at alyas “Matmat,” na kapwa residente ng nasabing syudad.
Batay sa ulat, pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit ng Cauayan City Police Station, katuwang ang RMU2 at PDEA Isabela, na may koordinasyon sa PDEA Regional Office 2.
Matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkakumpiska ng mga hinihinalang ilegal na droga at iba pang ebidensya.
Kabilang sa mga nakumpiskang drug evidence ang dalawang maliit na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, na kinumpiska bilang buy-bust at possession evidence.
Samantala, nakumpiska rin ang mga non-drug evidence na kinabibilangan ng isang blue/orange keypad cellphone; isang genuine ₱500 bill at isang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust/boodle money; isang itim na lighter; isang driver’s license; isang dark blue belt bag; at isang susi ng motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa mga suspek, itinanggi nila ang nasabing mga alegasyon.
Ayon kay alyas Matmat, tricycle driver siya at naisakay lamang niya si alyas Balong. Hinatid niya ang pasahero sa nasabing lugar at nang bumaba ay binilinan na lamang niyang babalikan. Palabas na umano siya nang may sumunod sa kaniya at doon nalaman na inaresto na ang kaniyang pasahero.
Itinatanggi rin niya ang anumang alegasyon ng paggamit o pagbebenta ng iligal na droga.
Samantala, inihayag ni alyas Neneng, ang may-ari ng bahay kung saan hinihinalang gumagamit ng shabu ang suspek na si alyas Balong, na kahapon ng umaga dumating sa kanilang lugar ang suspek sakay ng isang tricycle.
Aniya, dahil sa ayaw na niyang gumamit ng iligal na droga ay agad niyang ibinigay ang impormasyon sa PNP na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Pagdating ng pulisya ay itinago pa ni alyas Balong ang shabu na kalaunan ay narekober din.
Tinatayang tatlo hanggang limang buwan nang magkakilala si alyas Balong at alyas Neneng dahil sa paggamit ng iligal na droga.
Sa katunayan, inutusan pa siya ni alyas Balong na bumili ng foil para umano makagamit ng droga dahil walang gamit sa kanilang bahay.
At wala ring kamalay-malay ang kaniyang kinakasama sa paggamit niya ng droga.
Samantala, napag-alaman na ito na ang pangalawang pagkakataong nahuli sa kaparehong kaso si alyas Balong at madalas umanong magtungo sa bahay ni alyas Neneng para magdala ng pagkain.
Sa ngayon, ang lahat ng nakumpiskang ebidensya kasama ang mga suspek ay dinala sa kustodiya ng PNP Cauayan para sa disposisyon.











