Arestado ang isang 38-anyos na biyudo matapos mahuli sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Echague, Isabela, nitong Mayo 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Domer Taguba Pelo, sinabi nito na matagal nang minamanmanan ng pulisya ang suspek matapos makatanggap ng mga ulat mula sa mga residente hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng ilegal na droga.
Ayon kay PMaj. Pelo, halos dalawang linggo nilang isinailalim sa surveillance operation ang suspek bago isinagawa ang buy-bust operation.
Pinangunahan ang operasyon ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 katuwang ang PNP Echague, mga barangay officials at kinatawan ng Department of Justice.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang dalawang sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu na kasalukuyan pang isinasailalim sa inventory at pagsusuri ng mga awtoridad.
Ayon pa kay PMaj. Pelo, base sa kanilang imbestigasyon ay parehong gumagamit at nagtutulak umano ng ilegal na droga ang naturang suspek sa bayan ng Echague.
Sinabi rin nito na patuloy pa rin ang kanilang information gathering at monitoring operations laban sa mga sangkot sa ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.
Samantala, hinikayat naman ng opisyal ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na ireport sa himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon may kaugnayan sa ilegal na droga upang mapanatiling ligtas at maayos ang komunidad.











